Moral Clan- Romblon Chapter
- Mar 13, 2016
- 6 min read
DON ENRIQUE MARIA FERNANDO DE BOURBON
(FERNANDO MONTEQUER)
&
DOÑA AGRIPINA TENSUAN ARCIAGA
FAMILY
of
SIBUYAN ISLAND, ROMBLON,
PHILIPPINES
Enrique Maria Fernando de Bourbon. Courtesy of Wikipedia.
Fernando Montequer- Ayon sa lolo ko, ang tunay na pangalan ni Fernando Montequer ay si Don Enrique María Fernando Carlos Francisco Luis de Borbón y Borbón-Dos Sicilias o kilala rin bilang Don Enrique Maria Fernando de Bourbon. Siya ay ipinanganak noong taong 1820’s sa bansang Espanya at kabilang sa pamilya ng mga Bourbon mula Madrid, Espanya na dumating sa bansa noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo. Ang apelyidong Montequer (Mon.te.kyer) ay hango sa isang apelyidong Pranses na kanyang ginamit gaya ng kanyang ama ng pumunta rito sa bansa. Si Fernando ay matangkad, matangos ang ilong, may balbas sa pisngi, rosy cheeks, asul ang kulay ng mata na medyo pabilog, malapad ang noo, mahahaba ang mga daliri at malalapad na pabilog ang mga paa, medyo maliit ang ulo pero pahaba ang panga at iba ang pagiging puti ng balat nito kumpara sa mga Amerikano. Ang mga magulang ni Fernando ay sina Prinsesa Luisa Carlotta Maria Isabella at Prinsepe Francisco de Paula na kilala bilang si Mr. Montequer. Ang kanyang ama ay apo ni Haring Carlos IV na sinasabing “common ancestor” ng pamilyang Moral na may dugong royal blood sa bansa. Sakay ng barkong SS No.07 “Manzanares”, ang mga kasama ni Fernando sa kanyang paglalakbay ay sina Alfonso, Isabel (kilala bilang si Prinsesa Luisa Isabel Ferdinanda), mga kamag-anak, kaibigan at mga tauhan. Si Alfonso ang namumuno sa pagpapanatili ng seguridad sa kanilang paglalakbay. Noong dumating sila sa Maynila, naging panauhin sila ni Gob.-Hen. Narciso Claveria sa Intramuros. Makalipas ang ilang araw, nagtungo ang grupo ni Fernando papuntang Bikol kung saan nakadestino ang kanyang ama.
Bago pa man dumating ang grupo ni Fernando sa Pilipinas, mas nauna nang dumating ang kanyang ama na si Mr. Montequer sa bansa. Nagkaroon ito ng misyon sa Bikol ayon na rin sa kagustuhan ng monarkiya ng Espanya. Nagtayo sila ng headquarters o military camp noon sa bahagi ng Sitio Medalla Milagrosa, Brgy. San Vicente, Quipia, Albay (kilala ngayon bilang bayan ng Jovellar). Kasama niya sina Lazaro at ilang tauhan sa pagtugis ng mga piratang Moro sa bahagi ng Legaspi, Albay.
Makikita sa larawan ang mag-asawang sina Infanta Luisa Carlotta Maria Isabella (kaliwa) at
Infante Francisco de Paula (kanan). Photo credited to Wikipedia.
Bukod sa pakikidigma, naging mangangalakal din ang ilan sa ninuno ng pamilyang Moral. Isa na rito ay si Fernando na regular na nagbabiyahe papuntang Bikol at Maynila. Siya ay kilala sa tawag na “Don Fernando” at naging mangangalakal ng ginto at higit na nakakaraming bilang ng pilak (silver) sa Binondo, Maynila noon. Nakilala niya ang isang Chinese mestiza na si Doña Agripina Arciaga y Tensuan. Ang matriyarka ni Agripina ay mula sa angkan ng mga mangangalakal na pamilyang Tensuan sa Binondo samantalang ang kanyang patriyarka ay nagmula naman sa angkan ng mga Arciaga na tubong Muntinlupa, Rizal (bahagi ngaun ng NCR). Gaya ng kanyang ina, si Doña Agripina ay isa ring mangangalakal. Siya ay may taas na limang piye (5 feet) lamang. Ang kanyang pamilya ay naninirahan sa patriyarka nito sa Muntinlupa. Nabighani si Don Fernando sa kagandahan ng dalaga at niligawan ito. Ipinakita ng binata, Fernando, ang kanyang husay sa pagtugtog ng violin at bandurria. Sila ay nagsama habang hindi pa kasal. Bumili ang mag-asawa ng mga lupain sa bahagi ng Bangar, La Union mula sa angkan ng mga Arciaga. Ito ay kanilang pinatamnan ng iba’t ibang pananim sa kanilang mga katiwala na tagaroon sa nasabing lugar. Bukod dito, nakabili rin sila ng mga lupain mula sa mayayamang angkan sa ilang bahagi ng Albay gaya sa Brgy. Taloto na nasasakupan ng bayan ng Camalig, at mga bayan ng Oas at Quipia. Noong sila’y nagkapamilya, pinili ng mag-asawa ang manirahan sa Sitio Medalla Milagrosa, Barrio San Vicente, Quipia, Albay. Ang kanilang panganay na anak ay si Vicente Arciaga Moral na ipinanganak sa Muntinlupa, Rizal kasunod ang apat na iba pa na kapwa ipinanganak sa pagitan ng taong 1845 hanggang taong 1851. Ito ay sina Sofia (kilala rin sa tawag na Lola Pia), Ponciano, Sr., Carlos at Luis. Sina Sofia at Ponciano, Sr. ay parehong ipinanganak sa Albay. Ang malakas na bagyo sa Bikol noong taong 1849 (est.) ang nag-udyok sa mag-asawa na lumipat ito ng tirahan sa Sibuyan dahil halos nasira ang kanilang mga pananim at mga ari-arian sa nasabing lugar. Sina Carlos at Luis ay parehong ipinanganak sa Sibuyan simula ng lumipat ang mag-asawa. Sakay ng barkong Manzanares, dumating sila sa Pueblo de Azagra na bahagi ng isla Sibuyan kasama sina Lazaro, Isabel, Alfonso, ilang mga kamag-anak at kaibigan, kakilala at ilang mga tauhan. Sila ay tumuloy sa tahanan ng gobernadorcillo, pinuno ng isla, na nakatira sa Pueblo de Cajidiocan. Hindi rin nagtagal, ibinigay sa kanila ng gobernadorcillo ang isang lugar na tinawag na Barrio España na bahagi noon ng Pueblo de Azagra. Habang nasa Sibuyan, napag-alaman ng grupo ni Don Fernando na may sira ang barko at matagal itong ipinaayos sa Cavite.
Makikita sa ang mapa ng probinsiya ng Romblon na binubuo ng
labimpito (17) na bayan. Ang tatlong malalaking isla ay Tablas, Romblon at Sibuyan. Ang Tablas ay binubuo ng siyam (9) na bayan ng San Agustin, Calatrava, San Andres, Odiongan, Ferrol, Looc, Sta. Fe, Alcantara at Sta. Maria. Ang isla ng Romblon ay isang bayan lamang at ito ang kabisera ng probinsiya.. Samantala, ang Sibuyan ay binubuo ng tatlong (3) bayan ng Magdiwang, Cajidiocan at San Fernando. Gaya ng Romblon, ang ilan sa islang bayan ay binubuo ng San Jose (Carabao), Concepcion, Corcuera at Banton. Mapapansin din na ang ilang maliliit na isla gaya ng Isabel at Carlota malapit sa isla ng Banton ay nakapangalan sa mga Borbon na kabilang sa monarkiya ng Espanya. Photo credited to wikipedia.
Dahil sa katagalan, ang ilan sa kanyang mga kaibigan, kamag-anak at kakilala ay nagbungkal ng lupa, sumali sa pagmimina ng ginto at naging mangingisda. Bukod diyan ang ilan ay nakapag-asawa sa nasabing lugar maging sa kalapit na isla nito na Romblon gaya ng pamilyang Montesa, Burguette, etc. Makalipas ang ilang buwan, naayos na rin ang barkong Manzanares. Regular na nakakapagbyahe na si Don Fernando. Bukod sa Bikol, naging bagong ruta na rin niya ang magtungo sa isla ng Cebu noon. Dito kasi nagtayo ulit ang kanyang ama na si Mr. Montequer ng isa pang headquarters o military camp. Ito ay matatagpuan sa Brgy. Clavera, Borbon, Cebu. Panahon ito na kung saan aktibo pa rin ang pamimirata ng mga Moro at ilang katutubo sa nasabing lugar. Katunayan, tatlo sa walong mga anak ni Anastacio Moral, isa sa ninuno ng pamilyang Moral ang nabihag ng mga pirata sa baybayin ng Danao, Cebu. Hindi nila ito nabawi at natunton. Bahagi ng misyong ito ang paglawak ng saklaw ng pakikipagkalakalan ng mga ninuno ng Moral sa Gitna at maging sa Silangang Kabisayaan. Naging mahirap ito kay Don Fernando dahil sa gastusin sa langis dahil higit na mas malayo ito sa Maynila kumpara sa Bikol. Bagamat hindi nabanggit kung ilang beses siya bumalik ng Espanya, si Don Fernando ay namalagi roon minsan ng matagal na panahon at umabot pa ito ng humigit kumulang sa sampung taon. Mayroon kasi itong asawa mula naman sa angkan ng mga Castellvi sa Espanya.
Samantala, itinaguyod ni Doña Agripina ang kanyang pamilya rito sa Pilipinas. Naging tirahan nila itong Barrio de España na bahagi ng Pueblo de Azagra sa isla ng Sibuyan. Dito lumaki ang kanilang mga anak at sila’y makapag-aral sa Maynila mula elementarya hanggang kolehiyo. Ang ilan sa kanila ay naging entrepreneur at sundalo. Muling nakapiling ng pamilya ang kanilang ama noong 1860’s. Dito nagpakasal sina Doña Agripina at Don Fernando. Nagkaroon ulit sila ng karagdagang mga anak. Ito ay sina Juan (est. circa-1865), Placida (est. circa-1866), Serapion (est. circa 1867) at Antonio, Sr. (est. Circa-1869). Nakabili ulit ang mag-asawa ng lupain sa bahagi ng Barrio de Ipil at Barrio de Agutay na bahagi ng Pueblo de Magallanes (i.e. bahagi ngayon ng bayan ng Magdiwang) mula sa mayamang angkan ng mga Rafol. Habang nasa bansa, patuloy pa rin ang pakikipagkalakalan ni Don Fernando pero hindi na niya dala ang kanyang barko. Siya ay binigyan ng proteksiyon ng pamahalaang Espanyol at nakarating sa iba’t ibang isla sa Pilipinas. Naging mahirap ang pamamalagi nila sa headquarters sa Borbon, Cebu dahil nagkaroon ng pag-aaklas laban sa mga Kastila ang mga katutubo (circa 1870’s) roon. Inabandona nila ang lugar at karamihan sa mga tauhan ng monarkiya kasama si Don Fernando at posibleng ang ibang ninuno ng Moral ay sumama na rin noong ipinabalik na sila ng monarkiya sa kanilang bansa. Ito ang huling mga taon na nakapiling ng pamilya si Don Fernando. Hindi na niya nakasama ang kanyang pamilya dahil ang ilan sa kanyang mga anak ay nakapag-asawa na. Dumating din ang ilang mga taon at namatay na si Doña Agripina.
Comments