Kasaysayan at Genealogy
Pamilyang Moral sa Pilipinas
May Akda
Ang malaking bahagi ng blog na ito lalo na sa kasaysayan, genealogy ng pamilyang Moral sa provincia ng Romblon mula unang henerasyon hanggang sa ikatlong henerasyon at mula unang henerasyon hanggang sa ikalawang henerasyon naman sa ibang mga lugar ay kalipunan ng mga impormasyon mula sa yumao kong lolo, Primitivo Rabino Moral, Sr. na ipinanganak noong ika- 27 ng Setyembre, 1921 sa Sitio Agutay, Barrio Magallanes, Cajidiocan, Romblon at namatay noong taong 2001 sa Brgy. Cagbo-aya, San Agustin, Romblon (bahagi ng isla ng Tablas).
Bukod sa kanya, may mga impormasyon din na nakalap sa iba’t ibang indibidwal na Moral sa bansa at ito’y inipon upang lalong maintindihan at malaman ang ilang detalye na tumatalakay sa kasaysayan ng iba,t-ibang angkan ng Moral. Ang ilang pamilya ay nagbigay ng kanilang family trees. Bukod sa oral history, naging reference rin sa paggawa ng aklat na ito ang mga rehistro sa simbahan na inipon ng mga Mormons sa website nila na http://www.familysearch.org/. Ito ang nagbigay ng mahahalaga at piling impormasyon tungkol sa panahon at lugar ng ilang naitalang ninuno ng pamilyang Moral noong sila’y nabubuhay pa mula sa kanilang henerasyon. Kitangkita sa rehistro ang ilang maling impormasyon subalit naging daan ang oral history para iwasto at bigyang linaw ang ganitong discrepancies na siyang bubuo sa aklat ng kasaysayan ng angkan ng Moral.
Masasabing “race against aging time” ang ginawang pananaliksik dahil ilan sa mga naging resource person ng ating family historians ay mga matatandang Moral na kabilang sa ikaapat na henerasyon na karamihan ay bunso at patay na rin ang mga nakakatanda nilang mga kapatid sa pamilya. Sa tulong ng oral history ng yumao kung lolo, naidugtong ko ang kanilang bloodlines sa hanay ng mga ninuno na kabilang sa una at ikalawang henerasyon. Binuhay nito ang halos nakalimutang kasaysayan ng pamilyang Moral sa bansa dahil namayapa na ang mga matatanda sa kanikanilang pamilya. Bilang pangunahing family historian, maingat kong pinagisipan ang paraan kung papaano ko labanan ang pagkalimot magmula noong naipasa ang ganitong impormasyon sa akin. Habang nagaaral sa ikaapat na baitang, taong 1996, inirelate ko ang kasaysayan ng Moral sa kasaysayan ng Pilipinas noong nagkaroon ng labanan sa Mactan, Abril 1521 na pinamumunuan nina Fernando Magallanes - sa panig ng mga dayuhang Europeo at Lapu-Lapu sa panig ng mga katutubo. Ang aming ninuno (unang henerasyon) na si Don Enrique Maria Fernando de Bourbon o kilala bilang si Don Fernando Montequer ay inirelate ko kay Fernando Magallanes (Ferdinand Magellan) at Eusebio, apo ni Don Fernando sa kanyang anak na si Don Luis ay inirelate ko naman sa salitang “Europeo.” Naging susi o key ang kanilang pangalan upang muling maalala ang kasaysayan ng Moral. Ito ang aming pinanghahawakang oral history dito sa probinsiya ng Romblon.
Naging matagumpay ang ginawang Tracing Moral Family Ancestor Project sa bansa siyempre sa tulong na rin ng mga sumusunod na family historians natin. Gaya ng ibang pamilya, hindi biro ang ganitong pananaliksik sa kasaysayan at genealogy ng Moral. Bilang pangunahing mayakda ng aklat na ito, hinihikayat ko na kumunsulta muna hangga’t maaari bago magdugtong ng family tree ang sinuman sa indibidwal na Moral maging sa ibang angkan o pamilya na kamaganak o may kaugnayan sa lahi ng Moral. Ito ay upang mapanatili nating accurate ang mga impormasyon na tumatalakay sa ating genealogy.
Ang mga sumusunod na indibidwal ay ilan lamang sa maituturing na certified family historians mula sa iba’t- ibang panig ng bansa.



